Showbiz News

Ellen Adarna at Derek Ramsay, nagsisimula nang mang-imbita sa kasal?

By Bong Godinez

Matapos ang pamamanhikan, tila tuloy na tuloy na ang preparasyon para sa pagpapakasal nina Ellen Adarna at Derek Ramsay.

Sa Instagram post ng fan page na ellen_adarna2021, makikita ang isang print out na may nakasulat na “Save the date” at “Derek & Ellen.”

May drawing din na inspired sa kuha ni Derek noong inanunsyo ng magkasintahan ang kanilang engagement noong Marso.

Photo by: maria.elena.adarna (IG), ellen_adarna2021 (IG)

Sa isang larawan naman ay makikita ang print out kasama ang kumpol ng naggagandahang bulaklak.

May video rin na maririnig ang boses ni Ellen na nagsasalita, samantalang makikita naman si Derek na nakaupo sa sofa habang kumukuha ng larawan o video gamit ang cellphone.

“Sending out for our ninongs and ninangs,” sabi ni Ellen habang naka-focus ang video sa mga bulaklak, nagpapahiwatig na ito ang kanilang wedding invitation para pormal na kumbidahin ang tatayong mga ninong at ninang nila sa kasal.

Naka-share rin sa Instagram stories ni Ellen ang nasabing video.

Kamakailan ay namanhikan si Derek at mga magulang niya sa pamilya ni Ellen para pormal na hingin ang kamay ng dalaga.

Nangyari ang okasyon sa Siargao na kung saan ay nagkasama ang kanilang mga pamilya.

Nag-post si Derek ng larawan sa Instagram stories ng isang group picture na magkakasama silang lahat.

“Adarna-Ramsay” at “Family” ang captions ni Derek sa pinost na larawan.

Sa isang post naman ay makikita si Derek na kasama si Ellen at ang mommy nito na nilagyan niya ng caption na, “#MAMANHIKAN.”

Samantala, alalahanin ang engagement nina Ellen at Derek sa gallery na ito.