
Ang buong entertainment industry, pati na rin ang mga tagahanga, ay nagluluksa sa pagpanaw ng Queen of Philippine Movies na si Gloria Romero.
Dumagsa ang mga mensahe ng pakikiramay mula sa mga kaibigang artista at netizens. Marami rin ang bumisita sa burol ng aktres, kabilang sina Boots Anson-Roa, Celia Rodriguez, Tirso Cruz III, Eric Quizon, Aiai Delas Alas, at Helen Gamboa Sotto.
Isa sa mga beteranang aktres na nagbigay ng pagpupugay kay Gloria ay ang matagal nang kaibigan niyang si Rio Locsin. Sa isang panayam, ibinahagi ng aktres ang kanyang kalungkutan sa pagkawala ng isang icon ng pelikulang Pilipino.
"Kasi talagang halip na siya ng pelikulang Pilipino. Ang nag-iisang reyna talaga siya kaya parang kawalan sa movie industry kasi iisa lang ang Gloria Romero. Parang walang puwede pumalit sa kanya. Sobrang nalulungkot ako at taos puso ako nakikiramay sa pamilya," pahayag ni Rio.
Hindi niya raw malilimutan ang mga masasayang kwentuhan nila sa set. "Nakasama ko siya sa isang teleserye, palagi kami nagchichikahan niyan. Pag 'yung break time namin at saka kasama kami sa tent, 'pag tinatawag ako, 'Halika anak, dito tayo.' Kuwentuhan kami nang kuwentuhan kaya hindi ko siya makakalimutan. Nangingiliti iyon e, para makuwento kaya ang sarap niyang kasama. Hindi ko siya makakalimutan," sabi ni Rio.
TINGNAN ANG LISTAHAN NG CELEBRITIES NA NAKIRAMAY SA PAGPANAW NI GLORIA ROMERO:
Ibinalita muna ng Widows' War star na si Lovely Rivero ang pagpanaw ni Gloria sa isang social media post noong Sabado (January 25). Maya-maya pa ay madamdaming kinumpirma ito ng anak ng beteranang aktres na si Maritess Gutierrez.
Bubuksan ang burol ni Gloria sa publiko ngayong Lunes at Martes, Enero 27 at 28, mula 9:00 a.m. hanggang 1:00 p.m. sa Arlington Memorial Chapel, Hall A, Araneta Avenue, Quezon City. Magkakaroon din ng nobena at misa bilang pag-alala sa aktres.
BALIKAN ANG MEMORABLE KAPUSO SHOWS NI GLORIA ROMERO SA GALLERY NA ITO: