
Mainit na ping-usapan ng Team Jolly fans kamakailan ang ginawang prom proposal ni Allen Ansay kay Sofia Pablo upang kanyang maging date sa nalalapit na GMA Thanksgiving Gala ngayong Sabado, July 30, na gaganapin sa Shangri-La The Fort.
Sa pictorial ng upcoming kilig series nina Allen at Sofia na Luv Is: Caught in His Arms, eksklusibong nakapanayam ng GMANetwork.com ang dalawa kung saan ikinuwento ni Allen kung paano niya isinagawa ang nasabing proposal.
Kuwento niya, “Unang-una po kasi inimbitahan ang Team Jolly ng barangay po namin kasi magpi-fiesta po tapos naisip ko na malapit na ang GMA Thanksgiving Gala, naisip ko na what if doon na lang ako mag-propose para kakaiba.
“[Naisip ko na] after ng performance namin, parang sasabihin ko sa kanya na pwede ko ba siyang maging date sa gala tapos 'yun tinanong ko si Mommy tapos sinabi ni Mommy na, 'Okay magandang idea 'yan.' Tapos 'yun nakipag-usap na kami sa mga organizer ng event tapos ang dali nilang kausap.”
Aminado rin si Sofia na talagang nasorpresa siya sa ginawa ni Allen at naging mas malapit pa ang puso sa kanyang on-screen partner.
Aniya, “Mas naging special 'yung proposal niya kasi doon niya ginawa sa lugar kung saan siya lumaki doon ko napatunayan kung sino talaga si Allen.”
Naging daan din ang pagbisita ni Sofia sa hometown ni Allen sa Bicol upang mas nakilala niya pa ito.
“May mga tinanong nga ako e, [sa lugar nina Allen], sabi ko, 'Totoo bang good boy si Allen?' Tapos lahat sabi nila na 'oo naman', pare-pareho sila ng sagot,” masayang kuwento ni Sofia.
Natutuwa rin si Allen na mas nagiging malapit pa sila ni Sofia.
Aniya, “Sobrang saya ko kasi nakilala niya [Sofia Pablo] kung sino talaga ako, kung sino si Allen sa lugar namin kasi first time niya talagang makapunta ng Bicol.”
Makakasama naman ng dalawa sa nasabing bagong kilig series ang ilan pa sa mga bagong Kapuso stars at Sparkle GMA Artists mula sa Sparkada na sina Vince Maristela, Raheel Bhyria, Michael Sager, Sean Lucas, Caitlyn Stave, Cheska Fausto, Kirsten Gonzales, at Tanya Ramos.
Samantala, abangan sina Allen at Sofia kasama ang iba pang Kapuso stars sa GMA Thanksgiving Gala ngayong Sabado, July 30, na mapapanood sa TikTok at sa live streaming ng GMA Network at Sparkle social media accounts.
SILIPIN NAMAN ANG KILIG PHOTOS NINA ALLEN AT SOFIA SA GALLERY NA ITO: