TV

EXCLUSIVE: Neil Ryan Sese, ipinakilala ang karakter sa 'Bihag'

By Marah Ruiz

Bahagi si Kapuso aktor Neil Ryan Sese ng upcoming GMA Afternoon Prime suspense action-drama na Bihag.

Neil Ryan Sese

Siya ang gaganap bilang Amado, isang ama na mapupuno ng poot matapos mamatay ang kanyang anak.

Sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, inilarawan ni Neil ang gagampanang karakter sa serye.

"Tatay ako ni Gigi. Pumunta sila sa field trip tapos nagkaroon ng hostage-taking. Namatay siya doon sa hostage-taking. Nabaril siya kasi sinave niya si Ethan, 'yung anak nina Jessie at Brylle," paliwanag niya.

Si Max Collins ang gaganap na Jessie, habang si Jason Abalos naman si Brylle na doktor sa ospital kung saan isusugod ang mga batang nasaktan sa hostage-taking.

"Noong na-ospital siya kasi gunshot pa lang, nakiusap ako na pagalingin [ni Brylle] 'yung anak ko. Eventually, namatay siya. Bini-blame ko 'yung character ni Jason, na kasalanan niya lahat kung bakit namatay si Gigi. Plus, nalaman ko nga na niligtas pa [ni Gigi] 'yung anak nila," kuwento ni Neil.

Ito daw ang magiging dahilan kung bakit nais maghiganti ni Amado kina Brylle at Jessie.

"Galit na galit ako sa kanya. Gusto kong gumanti ngayon. Tapos, na-kidnap 'yung anak nila. Ako ba 'yung kumidnap o 'yung isang nakaaway pa ni Jason? Doon iikot 'yung kuwento. Sino ba sa amin 'yung kumuha ng bata," aniya.

Nagpapasalamat si Neil na lagi siyang pinagkakatiwalaan ng network sa ganitong klaseng roles.

"Thank you! Sinasabi nila, lahat ng roles nagawa ko na. Naging kontrabida ka. Naging mabait ka. Noong huli, naging matinee idol ka. Sabi ko nga, ang swerte-swerte. Kasi as an actor, nagawa mo 'yung mga ganoong bagay. Parang kahit papaano, accomplished ka na," pahayag niya.

Bukod kina Max, Jason at Neil, kabilang din sa Bihag sina Mark Herras at Sophie Albert. Abangan ang Bihag, parating na sa GMA Afternoon Prime!

READ: Tikman ang tamis at pait ng paghihiganti sa 'Bihag'

WATCH: Max Collins at Jason Abalos, magkatrabaho ulit!