TV

Endless Love: Sinagot na ni Jenny si Andrew | Week 7

By Aimee Anoc

Sa ikapitong linggo ng Endless Love, nagkabalikan na sina Yumi (Bella Padilla) at Johnny Dizon (Dingdong Dantes) dahil na rin sa tulong ni Jenny Cruz (Marian Rivera).

Ipinagtapat naman ni Andrew Tantoco (Dennis Trillo) kay Yumi na si Jenny na talaga ang babaeng gusto niyang pakasalan. Hindi na rin makapaghintay pa si Andrew na sagutin ni Jenny.

Samantala, sa may dalampasigan sinagot na ni Jenny ang tanong ni Andrew na maging girlfriend nito. Nasaksihan naman ni Johnny ang lahat ng nangyari at mababakas sa mukha nito ang pagseselos.

Sumama si Andrew sa bahay ni Jenny para ipaalam sa nanay nito na silang dalawa na.

Hindi naman tumigil si Shirley Dizon (Nadine Samonte) sa paggawa ng masama kay Jenny. Ipinag-utos nito kay Jojo Cruz (Gabby Eigenmann) na pauwiin na si Jenny sa kanila kaya naman nagpunta si Jojo sa resort para piliting pauwiin si Jenny. Mabuti na lamang nakita ito ni Andrew at napigilan ang balak ni Jojo.

Samantala, nabasa naman ni Johnny ang sulat ni Jenny para sa kanya na naglalaman ng kanyang tunay na nararamdaman.

Sa nalalapit na kasal, unti-unti nang inihahanda ni Yumi ang kakailanganin sa kasal nila ni Johnny. Ipinasukat na rin nito kina Andrew at Jenny ang susuotin nila sa kasal.

Bumalik na sa Pilipinas ang mga magulang ni Johnny at muli na rin silang nakita ni Jenny. Ipinaalam na rin ni Andrew sa mga ito ang relasyon nila ni Jenny at maging ang planong pagpapakasal nina Johnny at Yumi.

Samantala, ipinaalam na ni Johnny ang tunay na nararamdaman kay Jenny sa pamamagitan ng isang sulat. Mahal man nila ang isa't isa ngunit ayaw nilang masaktan ang mga taong nasa paligid nila.

Habang nag-iinuman, ipinaalam ni Johnny kay Andrew na napakaswerte nito kay Jenny. Pinaalalahanan din ni Johnny si Andrew na huwag pababayaan si Jenny. Ipinagtapat naman ni Andrew kay Johnny na gusto niya nang pakasalan si Jenny.

Samantala, bumalik na sa resort ang nanay ni Andrew at nagkita na rin sila ni Jenny. Tinapat nito si Jenny na layuan na si Andrew dahil hindi sila nababagay sa isa't isa.

Sinabihan naman ni Andrew si Jenny na anuman ang maging opinyon ng kanyang ina ay walang magbabago sa nararamdaman nito para sa kanya.

Dinibdib ni Jenny ang mga sinabi sa kanya ng nanay ni Andrew kaya naman nagdadalawang isip pa rin ito tungkol sa relasyon nilang dalawa.

Ipinagtapat naman ni Shirley sa nanay ni Andrew ang nararamdaman para kay Andrew. Nais din ng nanay ni Andrew na siya ang makatuluyan ng anak.

Ipaglalaban pa ba ni Jenny ang relasyon nila ni Andrew?

Patuloy na panoorin ang Endless Love, Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad pagkatapos ng Legal Wives.

Samantala, narito ang ilan pa sa mga bida ng Endless Love at kung ano ang kanilang ginagawa ngayon: