TV

Dingdong Dantes, napahalakhak sa mga sagot ng Budol Family sa survey questions sa 'Family Feud'

By Jimboy Napoles

Isang laughtrip na episode ng Family Feud kasama ang game master na si Dingdong Dantes ang napanood ng maraming Kapuso viewers kahapon, Martes (April 5). Tampok ang pamilya ng young comediennes at kapwa breadwinners na sina Kiray Celis at Herlene Budol o mas kilala bilang si “Hipon Girl.”

Highlight ng episode na ito ang mga havey na sagot sa survey questions ng Team Budol family na binubuo ng pamilya ni Herlene kasama ang kanyang tatay Jose Budol, nanay Rosario Budol, at kanyang manager na si Wilbert Tolentino.

Isa sa mga survey questions na itinanong ni Dingdong ay: “Magbigay ng bahagi ng katawan na masarap amoy-amuyin.'

Nakuha ni Rosario ang top answer na “kili-kili,” pero sinundan ito ng mga nakatutuwang sagot ng kanilang team.

"Wilbert, magbigay ng bahagi ng katawan na masarap amoy-amuyin," tanong ni Dingdong.

"Siyempre singit," mabilis na sagot ni Wilbert.

Natawa at nag-alangan naman si Dingdong sa sagot na ito ni Wilbert.

"Singit ng baby siguro ang sinasabi ni Kuya Wil (laughs)," ani Dingdong.

Nang tanungin naman ni Dingdong ang tatay ni Herlene kung anong bahagi ng katawan ang masarap amoy-amuyin ay ito ang kanyang naging sagot:

"Alipunga! 'Yung paa?" sigaw ni tatay Jose.

Dahil dito, mas lalong napahalakhak ang game master na si Dingdong sa mga nakakaaliw na sagot ng Budol family.

Sa kabila nito, ang Budol family pa rin ang naglaro sa final o fast money round matapos nilang maungusan ng puntos ang Celis Family. Pero hanggang dito, nanaig pa rin ang pagiging makulit ng kanilang pamilya.

"Magbigay ng brand ng COVID-19 vaccine," tanong ni Dingdong.

Agad naman itong sinagot ni Herlene ng, "Omicron!"

Bigong magkaroon ng 200 points ang Budol Family, pero nag-uwi pa rin sila ng PhP 100,000 at makakatanggap naman ng PhP 20,000 ang kanilang chosen charity.

Samantala, tumabo rin ng mataas na ratings ang episode na ito ng Family Feud kasama ang Budol family at Celis Family.

Panoorin ang kanilang laughtrip na hulaan sa top answer sa survey questions sa video sa ibaba.

Tuloy-tuloy rin ang pamimigay ng papremyo ng programa dahil bukod sa jackpot prize na naiuwi ng celebrity guest players mula sa paglalaro sa studio, winner din ang Team Bahay na mga Kapuso viewers na nakilahok at tumama sa "Guess To Win" promo ng programa.

Patuloy na tumutok sa Family Feud, weekdays, 5:45 p.m. sa GMA!