
Inamin ni David Licauco na may mga naging pagbabago ngayon sa love team nila ng Kapuso actress na si Barbie Forteza.
Ngayong Huwebes sa Fast Talk with Boy Abunda, muling na-interview ng batikang TV host si David kasama ang Japanese co-stars nito sa nasabing serye na sina Jacky Woo, Jay Ortega, at Ryo Nagatsuka.
Sa nasabing panayam, kinumusta ni Boy Abunda ang tambalang BarDa nina David at Barbie.
Sagot dito ni David, “As workmates, as friends, mas naging mature din kami and I'd like to think na we both understand each other better now than before.”
Kuwento pa ni David, mas naging malalim at mature din ang naging atake nila ngayon ni Barbie sa kanilang mga eksena bilang sina Hiroshi at Adelina sa hit GMA family drama na Pulang Araw.
Aniya, “Sa scenes naman Tito Boy…si Barbie napakagaling na aktres and ako naman sakto lang. Depende rin Tito Boy sa script e, kami naman willing kaming gawin e.
“Hindi lang Tito Boy sa mga kissing scenes even 'yung mga scene namin ngayon mas mature in terms of emotions. So mas grabe 'yung hug, dati 'yung hug namin ganito lang…ngayon [mahigpit] na.”
Sa recent episodes ng Pulang Araw, napanood ang mga nakakakilig at emosyonal na mga eksena nina Hiroshi at Adelina na naiipit sa gulo na dala ng giyera.
Patuloy na subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
Tumutok din sa Fast Talk with Boy Abunda 4:45 p.m. sa GMA Afternoon Prime para sa latest showbiz interviews tampok ang inyong mga paboritong celebrity.
RELATED GALLERY: David Licauco and Barbie Forteza's looks that prove they're a match