
Matapang na haharap ang aktres na si Liza Soberano sa isang one-on-one interview kasama ang King of Talk na si Boy Abunda sa programang Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes, March 10.
Naging laman ng mga balita si Liza dahil sa kanyang naging “rebranding” kasunod ng kanyang pagpapalit ng management, na pinangungunahan ng kapwa aktor na si James Reid.
Naging usap-usapan din online ang pagbubura ni Liza ng lahat ng kanyang social media posts partikular na sa Instagram. Sinundan pa ito ng kanyang latest YouTube vlog na pinamagatang “This is Me.” Dito, inilahad niyang tila napako ang kanyang career sa isang love team, na naging dahilan upang hindi niya magawa ang nais niyang mga proyekto.
Matapos ito, umani rin ng batikos ang mga naging pahayag niya nang sumalang siya sa isang legit lie detector test para sa vlog ng Kapuso actress na si Bea Alonzo.
Partikular dito ang paglalahad niya na unang inalok sa kanila ng kanyang on-screen partner at boyfriend na si Enrique Gil ang 2019 blockbuster movie na Hello, Love, Goodbye, na pinagbidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Ang isyu na ito ay nabanggit na noon ni Olivia Lamasan, managing director ng Star Cinema.
Baon ang mga kontrobersiyang kanyang kinakaharap, sasalang ngayon si Liza sa isang panayam kasama si Boy sa trending showbiz talk show ng GMA na Fast Talk with Boy Abunda.
Ito rin ang magsisilbing kauna-unahang beses na tatapak si Liza sa GMA Network matapos siyang maging aktres sa ABS-CBN sa matagal na panahon.
Abangan si Liza at ang kanyang mga kasagutan sa mga isyung ipinupukol sa kanya ngayong Biyernes, March 10, sa Fast Talk with Boy Abunda.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG PRETTIEST PHOTOS NI LIZA SOBERANO SA GALLERY NA ITO: