TV

READ: Kim Domingo at Megan Young, minumulto sa set ng 'Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko?'

By Felix Ilaya

Kabilang ang Kapuso actress na si Kim Domingo sa stellar cast ng upcoming suspense-drama series na Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko.

Kim Domingo at Megan Young

Ang serye na pagbibidahan nina Kris Bernal, Rayver Cruz, at Megan Young ay may element ng horror at supernatural.

Kaugnay nito, naikwento ni Kim Domingo sa press na may nagmumulto raw sa kanila ng kanyang co-star na si Megan Young sa set ng kanilang show.

Aniya, "'Nung nakaraan may kasama kaming paranormal expert, sabi niya doon daw sa kwarto namin ni Megan, mayroon daw matanda na babae na mumu.

“Pero hindi naman daw bad spirit pero, siyempre, doon kami nakahiga ni Megan. So paano kami makakatulog? Tinuro niya kung nasaan."

Sa Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko, mapapanood si Kim bilang Katya, ang pinsan at best friend ni Yvie (Megan Young).

Ayon kay sa aktres, may nakahanda raw na malaking twist para sa karakter niya na yayanig sa kwento ng teleserye.

"'Yun 'yung dapat talagang abangan, ano ba talaga 'yung mangyayari sa karakter ko.

“Bago siya para sa'kin, first time ko gagawin 'to.

“At the same time, mahilig ako sa horror, so okay na okay sa 'kin."

Masaya rin naman si Kim sa kanyang co-stars sa show kahit ngayon niya pa lang sila nakatrabaho.

"First time ko silang lahat naka-work, sobrang down-to-earth.

“Lalo na kay Megan nagulat ako, siyempre Miss World, pero sobrang simple.

Parang nakakita kasi ako ng pagkakaparehas namin sa kilos, sa mga gamit niya, doon ako nagulat, sobrang simple niya talagang babae."

"Sobrang bait, lalo na si Tita Boots.

“Masaya ako na nakaka-work ko [sila] kasi siyempre, may mga nakukuha akong techniques so very happy ako," wika niya.

Ano kaya ang malaking papel na gagampanan ni Kim sa Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko?

Malalaman na 'yan this July 22 sa GMA Afternoon Prime mula Lunes hanggang Sabado sa GMA Afternoon Prime.