TV

Karelasyon: Lalaking magiging tatay na, nagkaroon pa ng secret affair sa ex-wife

Nagbabalik-telebisyon ang kinagiliwan at pinag-usapang GMA drama anthology na Karelasyon.

Sa November 27 episode ng Karelasyon, natunghayan ang kuwento ng live-in partners na sina Melissa (Gwen Zamora) at Nestor (Carlos Agassi), at dating asawa ni Nestor na si Joan (Jade Lopez).

Buntis si Melissa sa anak nila ni Nestor. TIla nawalan ng romansa ang kanilang samahan dahil sa mood swings ni Melissa sanhi ng kanyang pagbubuntis.

Nagkaroon naman muli ng koneksyon si Nestor sa dating misis na si Joan matapos silang magkatrabaho sa opisina.

Habang nasa team building, hindi napigilan nina Nestor at Joan ang kanilang mga emosyon at nagsiping matapos ang kanilang company party.

Ang dating ngayon, si Joan ay kabit ni Nestor. Pero kung tutuusin, legal wife pa rin ni Nestor si Joan dahil hindi pa annulled ang kanilang kasal.

Nakakaamoy na ng pagtataksil si Melissa dahil sa dalas na mag-overtime sa trabaho ng kanyang kinakasama.

Hindi nagtagal nadiskubre rin ni Melissa na ang lover ni Nestor ay ang legal wife pala nito.

Nang makita ni Joan kung gaano nag-alala si Nestor kay Melissa noong isinugod ito sa ospital matapos duguin, naramdaman niyang hindi na talaga niya mababawi ang puso ng kanyang dating mister.

Dahil dito, napagtanto ni Joan na may mga pagkakataon talagang dapat ibaon na sa limot lalo na kung ang dating nakarelasyon ay mayroon nang ibang pananagutan.

Sa mga nais balikan ang full episodes ng Karelasyon, pumunta lang sa GMANetwork.com o GMA Network app.