TV

Ruru Madrid, ibinahagi ang isa sa mga pinakamahirap na stunts niya sa 'Lolong'

By Marah Ruiz

Si Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid mismo ang nag-perform ng sarili niyang stunts sa upcoming na dambuhalang adventure-serye na Lolong.

Gaganap siya sa serye bilang ang titular na si Lolong, isang binatang may kakaibang mga kakayanan, kabilang na ang mabilis na mapagaling ang kanyang sarili at ang makipag-usap sa dambuhalang buwayang si Dakila.

Source: rurumadrid8 (IG)

Gagamitin niya ang mga kakayanang ito para protektahan at tulungan ang mga kababayan niyang naaapi.

Hitik sa action scenes ang serye at sa isa mga hindi niya malilimutang stunts ni Ruru ay ang mga eksena niya sa ilog.

"Dito sa show na 'to, speedboat, dadalhin ako sa gitna ng ilog. Ang suot ko niyan, nakasando ako, naka maong pants and then naka Chuck Taylor ako, nakasapatos ako. Magda-dive ako sa gitna ng ilog. Malayo sa pampang, dive ako doon," pahayag ni Ruru sa podcast na Updated with Nelson Canlas.

Mahirap daw ang eksenang ito dahil sa haba at sa dami ng mga kilos na kailangan niyang gawin.

"Lalayo 'yung speedboat, 5-4-3-senyas... action. Langoy ako. Simula sa gitna ng ilog 'to, pagdating ko sa pampang--one take 'to lahat--pagdating ko sa pampang, dahan-dahan ako. Magsusuot ako ng maskara, akyat ng konti, fight scene. ['Yung] fight scene, siguro, let's say pinakamababa 25 numbers. 1-2-3-4-5-6 hanggang 25 bagsak pa ako. Sa damuhan 'to, minsan may tusok tusok, ganiyan. Bagsak akong ganiyan. Then after noon tatakbo," paliwanag niya.

Pero nakikita niya ito bilang challenge at very fulfilling para sa kanya kapag nakukumpleto niya ito.

"'Yung tuloy-tuloy na 'yun minsan sa isang araw ilang beses ko ginagawa 'yun. Aakyat pa ako ng puno ng niyog. Nag-aral pa ako umakyat ng puno ng niyog. Ganoon siya kahirap pero ang sarap sa pakiramdam every time na natatapos namin 'yung taping," paglalahad ni Ruru.

Mapapanood na ang Lolong sa GMA Telebabad simula ngayong July 4.

Aminado naman ang aktor na lagi siyang nakakaramdam ng kaba tuwing may bago siyang show. Gayunpaman, very proud daw siya sa lahat ng ibinigay niya para sa Lolong.

"Hindi ko po masasabi na natatakot ako, Kuya Nels, pero anxious of course sa kung ano ang mga puwedeng mangyari. At the end of the day wala po akong pagsisisihan because I know sa sarili ko na 'yun na lang 'yung mabibigay ko sa sarili ko na binuhos ko 'yung best ko for this project. I gave everything," pahayag niya.

Bukod doon, maipagmamalaki raw niyang nalampasan nila ang lahat ng pagsubok na hinarap nila sa show.

"Ang dami kong sinakripisyo for this project, to the point na napilayan ako, to the point na napako ako, naaksidente ako many many times. Ang daming beses habang ginagawa ko [ang] mga eksena, konti na lang, sinasabi ko sa sarili ko, konti na lang matatapos na 'to. May mga ganoon na ako, pero kinaya ko, tinawid ko, natawid naming lahat. Wala po akong pagsisisihan kasi alam ko sa sarili ko na binuhos ko 'yung best ko dito," aniya.

Huwag palampasin ang world premiere ng Lolong ngayong July 4, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad!

Samantala, silipin ang ilang nakakamanghang trivia tungkol sa serye rito: