TV

EXCLUSIVE: Arra San Agustin at Gladys Reyes, nagkomento sa pinagdadaanan ng kanilang mga karakter sa 'Madrasta'

By Cherry Sun

Nagkomento sina Arra San Agustin at Gladys Reyes sa pinagdadaanan ng kani-kanilang mga karakter na sina Audrey at Dra. Elizabeth sa Madrasta sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.

Naiipit sa masalimuot na sitwasyon sina Audrey at Dra. Elizabeth simula nang magka-amnesia si Sean (Juancho Trivino).

Si Katharine (Thea Tolentino) ang naaalala ni Sean na kanyang asawa kaya ipinagtatabuyan niya si Audrey habang nagtitimpi naman si Dra. Elizabeth para hindi mahiwalay sa anak.

Sa interview ng GMANetwork.com, inamin nina Arra at Gladys ang kanilang gagawin kung sila ang mapupunta sa ganitong kalagayan.

Aminado si Arra na mas madaling magbigay ng opinyon kaysa komprontahin ang ganoong sitwasyon lalo na at hindi pa niya ito nararanasan.

Aniya, “At first, mag-e-effort ako of course. Pero kung since nangyayari na nga ngayon sa eksena namin, si Sean parang pinagtutulakan na niya si Audrey. Parang dini-disregard na niya si Audrey. Parang medyo nagiging mean na rin siya kay Audrey in a way. Feeling ko lalayo na ako tapos hahayaan ko na lang siya na baka eventually may magpaalala sa kanya, ma-realize niya, ma-confuse siya. Kaysa naman sinasayang ko 'yung buhay ko… I mean nag-effort naman ako in the first place. So ayaw ko na sayangin 'yung buhay ko na buong buhay ko nalang ba tutulungan ko siya mag-recover, eh kung pinagtutulakan na nga niya ako.”

WATCH: Audrey, lilisanin ang mansyon matapos ipahiya ni Sean

Samantala, hindi malayo sa ikinikilos ni Dra. Elizabeth ang gagawin ni Gladys.

Paliwanag niya, “Hindi mo naman masisisi kasi he's sick 'di ba. So ganun din, I won't give up. Pagtiya-tiyagaan ko talaga na ipaalala sa kanya everything until maalala niya lahat. And syempre katulad din nung sabi ko kung ako si Audrey, prayers help a lot… Doon ka nalang kakapit eh sa challenge na 'yun sa buhay mo.”

WATCH: Konsitidor nga ba si Dra. Elizabeth?

Painit nang painit ang mga eksena kaya patuloy lang na tumutok tuwing Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Prima Donnas!