TV

Magpakailanman presents 'Tapat na Asawa, Baliw na Ina: The Ompong & Vangie Pagunsan Story'



Mahirap tanggapin para sa isang ama ang mamatayan ng isang anak. Pero paano pa kakayaning tanggapin ng isang padre de pamilya na mabaliw ang kanyang asawa at makulong pa ito dahil sinasabing siya ang sanhi ng pagkamatay ng sarili nilang anak?

Itinatampok si Paolo Contis bilang isang ama at asawa na tanging kaligayahan ng pamilya ang inaalala. Pero susubikin ng panahon at pagkakataon ang pagmamahal sa kanyang nababaliw na asawa.

Sa kabila ng hirap ng buhay ay nagtiyaga si Ompong sa pagpasada ng kanyang tricycle para mapunan ang pangangailangan ng pamilya. Hirap man ay nakakaraos pa rin at maayos na napalaki ang mga anak na sina Arnel at Bert.

Dagdag pa sa kanilang kaligayahan ay ang pagdating ng panibagong biyaya sa kanilang pamilya, isang anak na babae, si Analyn. Pero kapalit nito ay ang pagkakaroon ng post partum syndrome ng asawa niyang si Vangie. Lumipas ang mga taon, unti-unting napansin ni Ompong ang pagbabago kay Vangie. Hanggang sa mapagtanto nito na tuluyan nang nabaliw ang asawa.

Sa isang hindi inaasang pangyayari, nakagat ng isang ulol na aso si Analyn. Sa bilis ng pagkalat ng rabies ay mabilis din itong binawian ng buhay. Si Vangie ang maaabutang kasama ng wala nang buhay na bata at mapagbibintangan na pinatay ang sariling anak. Magagawa ba ni Ompong na ipakulong ang asawang alam niyang wala sa sariling katinuan? Sa pagdating ng bagong babae sa buhay ni Ompong, tatakasan ba niya ang gulong nangyayari sa buhay niya at iiwan ang nababaliw na asawa?

Abangan ang kuwento ni Ompong at ng kanyang baliw na asawa ngayong Sabado sa Magpakailanman. Kasama rin sina Carl Acosta, Marnie Lapus, Bryan Benedict, Ryza Cenon at si Ina Feleo sa kanyang natatanging pagganap bilang isang baliw na ina.

Ang “Tapat na Asawa, Baliw na Ina: The Ompong and Vangie Pagunsan Story” ay dinirehe ni G. Laurice Guillen, sa panulat ni Vien Ello, mula sa pananaliksik ni Karen Lustica.

Huwag palampasin ang kakaibang kuwentong ito ngayong Sabado, June 20, sa programa na nagpapakita ng kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman. Pagkatapos ng Pepito Manaloto.