TV

Jak Roberto, ikinuwento kung paano nakuha ang role bilang billiards champion Johann Chua sa '#MPK'

By Aimee Anoc

Ngayong Sabado, bibigyang buhay ni Jak Roberto ang kuwento ng billiards champion na si Johann Chua sa pinakabagong episode ng Magpakailanman, ang "Batang Kampeon sa Bilyaran."

Personal na magkakilala sina Jak at Johann dahil una na silang nagkatrabaho sa sports drama series na Bolera kung saan nagsilbing coach ang huli para sa mga cast.

Ayon kay Jak, nagbibiruan lamang sila noong una ni Johann na siya na lamang ang gaganap sa buhay ng billiards champion sa #MPK o Magpakailanman.

"'Yun nga after ng 'Bolera' nabalitaan namin na ipapakita ang lifestory ni coach Johann Chua sa 'Magpakailanman.' Noong una parang nagbibiruan kami. Sabi ko sa kanya, 'Coach, ako na lang 'yan. Ako na lang gaganap d'yan.' Tapos sinabi niya pala talaga sa production," kuwento ng aktor.

Sobrang na-enjoy naman ni Jak ang pagbibigay buhay sa lifestory ni Johann mula pagkabata hanggang sa makilala ito bilang isa sa pinakamahusay na manlalaro ng billiards.

"Grabe, ganoon pala 'yung pakiramdam kapag nagbi-billiards. Ang sarap sa feeling nung parang kinukunan ka ang astig tapos napapasok mo 'yung bola, ang sarap sa pakiramdam. Tapos tinutulungan ka ng coaches na i-set up 'yung bola," masayang sabi ng aktor.

"So this coming 28, Saturday, gagampanan ko po 'yung buhay ng ating gold medalist sa SEA Games na si coach Johann Chua."

Noong May 18, nasungkit ni Johann ang kauna-unahan niyang gintong medalya sa SEA Games para sa men's nine-ball singles na ginanap sa Hanoi, Vietnam.

Makakasama rin ni Jak sa bagong episode ng Magpakailanman sina William Lorenzo, Shamaine Buencamino, Denise Barbacena at Dilek Montemayor.

Abangan ang pagganap ni Jak bilang si Johann Chua sa "Batang Kampeon sa Bilyaran" episode ng #MPK ngayong Sabado, May 28, 8:15 p.m. sa GMA.

Samantala, tingnan ang ilan sa mga eksena ni Jak Roberto sa "Batang Kampeon sa Bilyaran" sa gallery na ito: