TV

Pokwang, mapapanood sa 'Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento'

By Aedrianne Acar

Kumpirmado mga Kapuso!

Makakasama sa Pepito Manaloto universe ang multi-talented comedienne na si Pokwang o Marietta Subong sa totoong buhay.

Sa idinaos na media conference pagkatapos ng virtual contract signing ng pinakabagong Kapuso star ngayong Biyernes ng hapon, June 18, ibinahagi nito ang mga project at guesting niya sa GMA-7. Isa na rito ang ginagawang prequel na Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento kung saan bibida sina Sef Cadayona at Mikee Quintos.

May partisipasyon din sa show ang original cast members nito na sina Manilyn Reynes at Michael V. Matatandaan na tumatayong creative director ng award-winning sitcom si Bitoy.

Pinuri ni Pokwang ang comedy genius nang makapanayam ng press, “Sobrang talino ni Michael V. Ang lawak nung kanyang imahinasyon, e, idol nga.” sabi ni Pokie

“Grabe 'yung talino niya, ang taba ng utak ni Michael V. 'Di ba 'yung 'Pepito Manaloto' kasi iba rin naman 10 years na sila. Kaya hindi ako magtataka na tumagal ng ganun 'yung Pepito, kasi nga idea rin niya 'yun 'di ba.”

Source: itspokwang27 (IG)

Nagbahagi rin siya ng ilang detalye tungkol sa Pepito Manaloto nang matanong ng veteran entertainment writer na si Mario Bautista.

Kuwento ni Pokwang, “Excited! Sobra! Naku po! Maganda po 'yung aking magiging role doon sa 'Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.' So, kami po 'yung rewind--papaano nagsimula 'yung ganito, 'yung character ni ganyan, paano siya naging ganyan.

“Nakakatuwa lang, rewind kami. So marami po makakarelate dito lalo na 'yung mga batang '80s [laughs] saya.”

Taos-puso naman ang pasasalamat ng komedyante sa mainit na pagtanggap sa kanya ng bago niyang home network.

Aniya, "Wala ngang tigil 'yung aking Twitter e. Maraming, maraming salamat po sa tiwala na ako po ay magbibigay ng karagdagang kasiyahan po sa GMA Kapuso. Thank you."

Kasama rin sa virtual contract signing ngayong araw sina Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, Senior Vice President for GMA Entertainment Group Lilybeth Rasonable, GMA Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, at GMA Artist Center Senior Talent Manager Daryl Zamora.

Kilalanin ang newest Kapuso comedienne sa gallery below:

Related content:

Pokwang, emosyonal sa bagong yugto ng kaniyang showbiz career