TV

Sanya Lopez at Ken Chan, iniaalay ang 'That Thin Line Between' kay Kuya Germs

By Marah Ruiz

Hindi pa rin nakakalimot ang Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Ken Chan sa lahat ng naitulong sa kanila ng kanilang showbiz mentor na si German Moreno o mas kilala bilang Kuya Germs.

Matatandaang sa show ni Kuya Germs na Walang Tulugan nagsimula ang showbiz career nina Sanya at Ken. Dahil dito, lagi nila itong naaalala tuwing may blessing na dumarating sa kanila.

Sa katunayan, nais daw nilang ialay ang "That Thin Line Between," ang pilot episode ng bagong weekly anthology na Regal Studio Presents, para kay Kuya Germs.

"I'm sure na matutuwa rin si Tatay, si Kuya Germs, kung ano man po 'yung nangyayari sa amin ngayon. Hanggang ngayon po, lahat ng nangyayari sa amin, lagi kaming nagte-thank you kay Tatay. 'Tay, dahil sa 'yo 'to. Isa ka dito--parte ka ng lahat ng trabaho namin," pahayag ni Sanya tungkol sa kanilang upcoming project.

Ginunita naman ni Ken ang panahon na nagsisimula pa lang sila ni Sanya sa showbiz.

"May pagkakataon na kaming dalawa ni Sanya, nasa 'Walang Tulugan' kami. Nakaupo kami sa gilid ng stage habang may nagpe-perform na mga celebrities from GMA-7. Sabi namin ni Sanya, sana dumating 'yung panahon na maging tulad tayo nila, magkaroon tayo ng mga teleserye natin sa GMA," kuwento ng aktor.

Ito raw ang nagsilbing inspirasyon sa kanilang dalawa para magsikap.

"'Yung mga humble beginnings na 'yun, 'yun 'yung pinanghahawakan namin. 'Yun 'yung naging inspiration namin para galingan namin sa mga ginagawa namin. Nakatutuwa lang na we're so blessed and thankful na ngayon ay nagagawa namin 'yung pinagusapan lang naming dalawa noon," lahad ni Ken.

Ang romantic comedy special na "That Thin Line Between" ang unang on-screen tambalan nina Sanya at Ken. Gaganap sila dito bilang magkapitbahay na madalas mag-away dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga ugali at paniniwala.

Huwag palamapsin ang primetime premiere ng "That Thin Line Between" sa Regal Studio Presents, September 11, 8:30 pm sa GMA.