TV

Sampalan fest na ngayong Lunes sa ‘Ang Dalawang Mrs. Real’



Mangyayari na ang inaabangan ng lahat ng mga naiinis kay Anthony Real (Dingdong Dantes) at ng mga nakikisimpatya kay Millet Real (Maricel Soriano) sa Ang Dalawang Mrs. Real.

Nalaman na ni Millet na pinagtataksilan siya ni Anthony kaya’t makikipagtuos na siya sa kanyang asawa at sa babae nito na si Shiela (Lovi Poe).

“Abangan nyo, kasi itong mga susunod na araw, mabilis po ang mga pangyayari dito,” ani Maricel Soriano sa interview sa Startalk.

Hindi pa man, nagpapasalamat na si Maricel sa mga sumubaybay sa Ang Dalawang Mrs. Real.

Sa napipintong komprontasyon ng mga karakter nina Maricel, Dingdong at Lovi, pinakaaabangan ang mga lumalagapak na sampal na buong gigil na igagawad ni Maricel kina Dingdong at Lovi.


Ani Maricel, natutuwa siya dahil sa sobrang bait ni Dingdong at sa ganda ng chemistry nilang tatlo nina Lovi.

Siya pa raw ang inaalala ni Dingdong kahit namamaga na ang mga pisngi nito pagkatapos niyang nirapido ng mga sampal.

Si Maricel ang naglagay ng ice packs sa pisngi ni Dingdong pagkatapos ng kanilang eksena.