TV

Tekla, may mensahe para sa dati niyang live-in partner

By Cherry Sun

Bumuhos ang emosyon sa ginawang presscon ni Tekla sa November 29 episode ng The Boobay and Tekla Show (TBATS).

Sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic ay maraming sinuong na pagsubok si Tekla lalong lalo na sa kanyang personal na buhay. At nitong Linggo ay muli niyang sinariwa ang kanyang mga karanasan nang isalang siya sa hot seat ni Boobay at ng The Mema Squad na binubuo nina Boobsie Wonderland, Skelly Clarkson, Jessa Chichirita, at Belly Flory o John Feir.

Aminado si Tekla na magiging malamig ang kanyang Pasko ngunit nais niyang gamitin ang panahon para maghilom. Aniya, mami-miss din daw niya ang kanyang anak na si baby Angelo ngayong magkahiwalay na sila ng kanyang live-in partner na si Michelle Bana-ag.

Bahagi ng komediyante tungkol sa kanyang personal na buhay at buhay-pag-ibig, “Minahal ko siya, tinanggap ko siya nang buong-buo. Sa nangyari, oo, umaray ako, nadurog ako pero nagawa kong magpatawad sa kanya despite ng nagawa niya. Kasi 'yun 'yung pakiramdam ko na 'yun 'yung magpapalaya sa akin, e.

"Kasi ano pang purpose ko kung bakit ako mag-revenge pa, magalit. Wala rin, so mas lalo lang bibigat ang sitwasyon, mas lalo lang ako manglulumo. So ang ginawa ko ni-let go ko na para hindi siya ma-stuck dito, 'yung galit. Pinatawad ko siya.”

Kung meron daw siyang nais ihandog kay Michelle ay 'yun daw ang patuloy na komunikasyon upang gabayan ang kanilang pagiging magulang kay baby Angelo.

Mensahe ni Tekla, “Ingatan mo 'yung anak mo. Kasi hindi pa 100% talaga ano si Angelo eh, safe. Hindi pa siya safe. Marami pa kaming pwedeng asikasuhin sa bata na maging normal. So lahat ng salitang pwede kong ilapat sa 'yo, gabayan sa 'yo na alagaan mo 'yung anghel mo, alagaan mo 'yung anak mo kasi kakastiguhin tayo ng Diyos niyan kung may mangyaring masama diyan.

“Regarding sa kung anong pangangailangan mo, hindi naman ako madamot. Wala akong pinagdadamutan from time to time. Mas marunong akong umintindi, lahat. Hindi mo na kailangan sabihin, kusa.

"'Yan lang ang tanging [hiling] ko, alagaan mo si Angelo, maging nanay ka, maging mabuting ina ka sa anak mo. Nandito ako sumusuporta sa anak ko, hindi kita pababayaan diyan.”

Panoorin ang kabuuan ng kanyang pahayag sa video sa itaas.

Matapos ang madamdaming press con ni Tekla, halo-halong emosyon naman ang muling napanood nang sumalang sa aktingan si Donita Nose kasama ang fun-tastic duo at pati na sina Boobsie Wonderland at Skelly.

Si Donita Nose din ang nakakuntsaba nina Boobay at Tekla sa pangpa-prank kay Ariella Arida. Makumbinsi kaya niyang magpanggap ang beauty queen bilang girlfriend ni Tekla for 24 hours?

Non-stop talaga ang laugh trip na hatid ng The Boobay and Tekla Show! Tutok na sa telebisyon tuwing Linggo, matapos ang Kapuso Mo, Jessica Soho. Samantala, silipin kung bakit patuloy na namamayagpag sina Boobay at Tekla bilang fun-tastic duo: