Showbiz News

Tekla on Michelle: 'After nung nangyari, binigyan ko pa rin siya ng chance'

By Cherry Sun

Handa raw si Tekla na kalimutan ang kanyang masakit at mahirap na pinagdaanan kaugnay ng mga akusasyong ibinato sa kanya ng kanyang dating live-in partner na si Michelle Bana-ag, alang-alang sa kanilang anak na si Baby Angelo.

Naglabas ng saloobin si Tekla nang makausap niya ang kaibigang si Ogie Diaz para sa vlog ng huli.

Ayon sa TBATS host, ilang beses na raw siyang pinagbantaan ni Michelle na irereklamo kay Raffy Tulfo ngunit hindi raw niya inakalang tototohanin niya ito.

Wika niya, “Wala sa pantaha ko, sa isip ko na gagawin [nila 'yun]. Unang-una, wala akong naisip na dahilan at malalim na dahilan. So nandun pa rin 'yung trust ko. Kumbaga andun pa rin 'yung tiwala na hindi gagawin sa akin ng tao 'yun.”

Tulad ng ibang nagsasama ay nagkakaroon daw talaga sila ng alitan ngunit nagkakaayos din sila agad.

Nang tanungin naman ni Ogie kung minahal ba talaga niya si Michelle, mabilis na nakasagot ang komedyante. Gayunpaman, iba na raw ang sitwasyon ngayon dahil sa huling ikinilos ng kanyang live-in partner.

Aniya, “Sobrang minahal ko si Michelle. Minahal ko talaga nang todo 'yun. Siyempre magsi-six years [na kami]. Siguro ipokrito na ako kung sabihin kong hindi. Pero sa nangyari… ay wala na, inunti-unti niya eh. Nung nagsasama kami, inunti-unti niya eh. Dati kung maibabalik ba 'yung ano… inunti-unti niya eh. Nawawala, nawawala nang nawawala, and then sinagad niya itong nangyaring ito.”

Ikinuwento rin ng TBATS host kung paano sila nag-usap para mapagkasunduang maghiwalay na lamang ngunit magtulungan pa rin sa pagpapalaki kay baby Angelo.

Bahagi ni Tekla, “Sila ang nakipag-ayos eh kasi parang naapektuhan na sila sa nangyari. Hindi na lang kaming dalawa ang naapektuhan. The rest nakalkal na, pati 'yung mga pamangkin niya, kapatid niya. So siyempre 'yung ano ng tao bumaligtad eh after nung… kasi hindi naman ako nagsalita kasi mas pinilit kong manahimik on my side para hindi lumobo 'yung gulo.”

Pag-amin din niya, sinubukan niyang makipagbalikan kay Michelle para sa kanilang anak.

Patuloy niya, “'Yun 'yung pinaka-final na decision namin pero prior that, after sa nangyari ha, binigyan ko pa rin siya ng chance. Na sabi ko, 'Okay. Although nandoon na 'yung sakit, nandoon na 'yung judgment. Jinudge na tayo, nahubaran na tayo sa publiko. Sa buong mundo nahubaran na tayo. Okay, for the sake, sabi ko sa kanya, may anak tayo. May dapat tayong asikasuhin kay Angelo, na hindi naman dapat ito eh, itong issue na 'to. Hindi naman ito eh, dapat doon natin itinuon sa bata. But anyway, sabi ko, binigyan ko pa rin siya ng pinto na, 'Okay, kung gusto mo tayo lang dalawa with Angelo.'”

Ito rin ang ipinahayag ni Michelle sa kanyang panayam kay Raffy. Paliwanag niya, hindi niya tinanggap ang alok ni Tekla dahil siya ang panganay sa kanilang magkakapatid at sa kanya nakasandal ang kanyang mga kapatid at mga pamangkin.

Panoorin ang kanyang buong kuwento rito:

BASAHIN: Tekla, labis ang pasasalamat sa gabay at suporta ng GMA Network

BASAHIN: Tekla, tutulungan ni Raffy Tulfo para makuha ang kustodiya ni Baby Angelo