TV

EXCLUSIVE: Jo Berry, balak lisanin ang showbiz kung hindi dahil sa 'The Gift'

By Marah Ruiz

Bago pinasok ang mundo ng showbiz, nagtatrabaho sa isang business process outsourcing company o BPO si Kapuso actress Jo Berry.


Naging isang household name si Jo matapos bumida sa hit GMA Telebabad series na Onanay. Pero nang matapos ito, aminado si Jo na inisip niyang bumalik sa buhay-opisina.

Buti na lang, naging kabilang siya ng pinakabagong GMA Telebabad series na The Gift.

"I feel so blessed talaga na mabigyan po ng isa pa ulit [na teleserye]. After ng Onanay, hindi ako nag-expect. Pinag-pray ko kasi hindi ko pa rin alam noon kung ano ide-decide ko. Do I go back to work na ulit, 'yung dati kong [office] work? Sabi ko, kung bibigyan pa 'ko, why not?" kuwento ni Jo sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.

Lalo pang ginanahan si Jo nang malaman niyang co-star niya dito si Asia's Multimedia Star Alden Richards. Bukod dito, lubos pa niyang nagustuhan ang istorya ng serye.

EXCLUSIVE: Jo Berry, itinuturing na 'gift' si Alden Richards

"Eager talaga 'ko kapag ang ganda noong story. Noong binigay nila, sinabi nga nila na si Alden nga 'yung makakasama ko. 'Yun 'yung number one na pinag-pray ko," bahagi niya.

"Nagsa-start pa lang ako, fan niya ko. Sabi ko, sana maka work ko siya. Ganoon ako lagi. Hindi naman kami close dati. Dati lagi lang na nagpapa-picture ako. Sobrang idol ko siya," dagdag pa niya.

Sa The Gift, gaganap si Jo bilang Strawberry, ang adoptive mother ni Sep, ang karakter ni Alden.

Abangan ang kanilang kwento sa The Gift, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Beautiful Justice sa GMA Telebabad.