TV

Epy Quizon at Carlo Gonzalez, gaganap bilang mga kontrabida sa 'Voltes V: Legacy'

By Cara Emmeline Garcia

Maghahatid ng gulo at aksyon ang mga aktor na sina Epy Quizon at Carlo Gonzalez ngayong kumpirmado na silang gaganap bilang ang mga Boazanian na sina Zuhl at Draco sa live-action series na Voltes V: Legacy.

Kahapon sa 24 Oras, ibinahagi nina Epy at Carlo na natutuwa sila sa pagkakabilang sa much-awaited series dahil kinalakihan nila ang Japanese anime.

Bitiw ni Epy kay Nelson Canlas, “This is unique 'cause this is from my childhood. Nilalaro ko 'yung Voltes V nung bata ako, e. And to be a part of the Voltes V: Legacy, is really, not just an honor but bumalik ang pagkabata ko.

“When I first saw the trailer, hindi ko naisip na gawa s'ya dito. Kaya nagulat ako nung sinabing, 'Uy! Kasama ka sa Voltes V. '

“Sabi ko, 'Ang galing na talaga ng mga Filipino artist. Ang galing na ng effects artists natin.' Ang galing!”

Ganito rin ang kuwento ni Carlo Gonzalez sa GMA News reporter nang isalaysay niya ang kanyang pagpapanood ng Japanese anime noong siya'y bata pa lamang.

Ani pa ni Carlo, naging malaking tulong sa kanya ang quarantine dahil napaglaanan niya ng oras para maging physically ready para sa kanyang role bilang si Draco.

Kabilang na d'yan ang pagpapahaba ng kanyang balbas na signature look ng Boazanian villain.

“Yes! Actually and malaking tulong itong quarantine kasi I don't need to go out anymore. Nasa bahay lang ako and I don't have to groom it and grow it out.

“And 'pag magte-taping na, I just have to pattern it to what they want for my character.”

Maalalang sina Zuhl at Draco ang ilan sa mga ally ni Prince Zardoz sa pagsakop sa planetang Earth at pakikipaglaban sa Voltes V team.

Panoorin ang buong panayam ni Nelson Canlas sa video na ito:

Noong nakaraang linggo, inanunsyo na sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Matt Lozano, at Raphael Landicho ang mga bubuo ng Voltes V team sa serye.

Ipinarangal din ang karakter na si Prince Zardoz kay Martin del Rosario, habang si Zandra naman ay gagampanan ni Liezel Lopez.

Ang Voltes V: Legacy ay isang proyekto ng GMA Entertainment Group na idederehe ni Mark A. Reyes at isinulat ni Suzette Doctolero.

Ang lahat ng mga materyal para sa live-action adaptation na ito ay masusing pinag-aralan at ipinapruba sa Toei Company, Ltd at Telesuccess Production Inc--ang mga pangalan sa likod ng successful anime noong dekada '70 at '90.

Habang hinihintay ang action-packed serye, tingnan ang mga kumpirmadong cast ng Voltes V: Legacy sa gallery na ito: