EXCLUSIVES

JC Regino
GMA Music

JC Regino, nagsulat ng kanta para sa mga tagahanga ng amang si April Boy Regino

By Aimee Anoc
Published On: February 20, 2023, 3:55 PM

Simula February 24, mapapakinggan na sa iba't ibang digital music streaming platforms ang debut single ni JC Regino under GMA Music, ang "Idolo." 

 

Excited na si JC Regino na mapakinggan ng lahat ang debut single niyang "Idolo" under GMA Music.

Ayon sa Kapuso singer, isinulat niya ang "Idolo" bilang pasasalamat sa lahat ng tagahanga at patuloy na sumusuporta sa April Boys (April Boy Regino, Vingo, at Jimmy Regino).

Sinimulang isulat ni JC ang kanta anim na buwan matapos na pumanaw ang amang si April Boy noong November 2020. Nakumpleto niya ang "Idolo" matapos ang kanyang kaarawan noong September 2022, nang sobrang ma-miss niya ang OPM icon at muling naalala ang awiting ito.

"Itong awitin pong ito para po ito talaga sa mga naging tagahanga ni daddy at ng April Boys. Ang nangyari po rito, kinausap ko rin po ang mga uncle ko po na sina Ninong Vingo at Tito Jimmy para po magkakasama na po kaming kantahin po 'tong bagong awitin na handog po namin sa mga tagahanga nila. Kasi po feeling ko po kapag kaming tatlo po 'yung kumanta po nito, mas magkakaroon po ng kahulugan 'yung awit po namin," sabi ni JC.

Dagdag niya, "Ito po kasi parang pagbabalik po namin, lalo na po kay daddy ng pagmamahal po n'ya sa mga fans n'ya po, ng April Boys, kasi sobrang kung wala pong mga tagahanga, wala rin po si dad at ang April Boys. Kaya po binabalik lang po namin 'yung pagmamahal at saka importansya po sa mga tagahanga."

 

Ngayon, masaya si JC na makabalik sa musika at maipagpatuloy ang legacy ng kanyang ama, matapos ang pansamantalang pamamalagi sa Amerika para magtrabaho. 

"Nu'ng nag-stop na po akong kumanta bago po s'ya mawala noon, sabi niya, 'Anak,  magpatuloy ka ng pag-awit.' Kasi tumigil na po ako, nasa Amerika na po ako noon tapos bumalik po ako rito. 

"Laking tuwa ko po, pasasalamat sa Diyos, sa GMA dahil nagkaroon po ako ng chance na matupad po 'yung mga pangarap at plano po namin ni dad na makabalik po ako sa pagkanta at ipagpatuloy po 'yung pag-awit bilang Regino po."

Simula February 24, mapapakinggan na ang "Idolo" sa iba't ibang digital music streaming platforms.

 

 

 

 

BALIKAN ANG NAGING BUHAY NI APRIL BOY REGINO SA GALLERY NA ITO:

CONTENT YOU MIGHT LIKE

-->