Ginahasa umano ng isang pulis ang isang 15-anyos na dalagita kapalit ng paglaya ng kanyang mga magulang na nakakulong sa Manila Police District (MPD) Station 4.

Sa ulat ni Athena Imperial sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo, nakatikim ng sermon mula kay NCRPO Director Guillermo Eleazar ang suspek na si PO1 Edgardo Valencia.

Pilit na itinanggi ni Valencia ang akusasyon pero iginiit ni Eleazar na nag-positibo sa lacerations ang dalagita nang isailalim sa medikal na pagsusuri.

Kwento ng ina ng biktima, pareho silang inaresto ng kaniyang asawa noong Biyernes kaugnay ng possession of illegal drugs.

Kusa raw silang sumama sa mga awtoridad dahil inosente sila pero dinampot din umano ng mga pulis ang 15-anyos nilang anak kahit wala namang nakuhang ebidensya laban dito.

Binulungan umano ni Valencia ang biktima na mapapawalang-sala ang kanyang mga magulang kung papayag siyang gamitin ng pulis ang kanyang katawan.

Pinagsabihan daw ng ina ang anak na huwag pumayag sa kondisyon ng pulis pero ginahasa pa rin umano ni Valencia ang dalagita.

"Sabi ko anong kasalanan ng anak ko sa kanya? Bakit niya ginanun? May mga anak din kayo bakit niyo kailangang gawin sa bata 'yun? Sinira ninyo 'yung kinabukasan ng anak ko," umiiyak na salaysay ng ina ng biktima.

Na-trauma umano ang dalagita sa pangyayari at nasa pangangalaga siya ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tinanggal na sa pwesto ang suspek na pulis. Ayon kay Eleazar, walang lugar sa PNP ang mga katulad ni Valencia.

Mahaharap siya sa patung-patong na kasong kriminal at administratibo. — Dona Magsino/DVM, GMA News