Apat na tricycle driver sa Novaliches, Quezon city ang namatay matapos uminom ng lambanog na pinaghihinalaang kontaminado, ayon sa ulat ni Glen Juego sa DZBB.

Nagsimulang mag-inuman ang magkakaibigan noong November 30 at itinuloy pa ang inuman sa sumunod na araw para ubusin ang alak.

Nang makaranas sila ng pananakit ng tiyan,  isinugod ang mga biktima sa ospital kung saan sila binawian ng buhay.

Miyembro ang mga nasawi ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ng San Bartolome, Novaliches.

Iniimbestigahan ng QC Police District Station 4 sa pangunguna ni Superintendent Rossel Cejas ang insidente. 

Ayon kay Cejas, maaaring kontaminado ang lambanog na ininom ng apat pero hindi pa matitiyak kung ang naturang inumin ang nakapatay sa kanila habang hindi pa tapos ang imbestigasyon.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ang dalawa sa apat na nasawi na sina Alvin Reyes at  Dennis Cuadra.

Aabot daw sa 15 magkakaibigan ang nag-inuman nitong Sabado, kasama ang anak ng kanilang barangay chairman.

Sa autopsy report, lumabas na cardio pulmonary arrest ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.—LDF/FRJ, GMA News