Patay ang isang 45-anyos na negosyante sa Imus, Cavite matapos niyang makaaway ang nakagitgitan sa kalsada na driver pala ng alkalde ng lungsod.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Michael Rodil Canizares.

Naisugod pa sa ospital ang nakaaway ni Canizares na si Dennis Narra Saique, ngunit namatay rin ito dahil sa 'subdural hematoma' as a result of blunt traumatic injuries o pagdurugo sa ulo.

Maghahatid lang daw si Sique ng kaibigan na nagbalik-bayan nang makagitgitan niya si Canizares habang palabas ng subdivision.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasabing nagkaroon pa raw ng pagtatalo ang magkabilang panig bago nangyari ang panununtok pero itinanggi ito ng kampo ni Saique.

Ayon kay Henry Oringo, kaibigan ng biktima, bahagya lang nilang nakagitgitan ang suspek na nakamotorsiklo. 

"Kinat niya po 'yung service namin na L300. Napahinto si Dennis, napahinto rin 'yung motor. Kumbaga, nagka-anohan sila...'Yung asawa noong hinatid namin na kaibigan, nagpakilala sabi 'Pare, mga bisita ko 'yan'," kuwento ni Oringo.

Nang magkainitan, umalis raw si Canizares at bumalik kasama ang security guard ng subdivision.

Dito raw biglang sinuntok ni Canizares si Sique.

"Sabi niya sa amin, nagko-conduct talaga kami ng roving as SOP, sa gabi kaya may kasama akong guard...Pagharap po nu'ng Michael kay Denis, bigla niya agad ng sinuntok. Walang kaabog-abog, walang komisyon," ani Oringo.

Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima matapos  magpiyansa ang suspek na kinasuhan na nila ng homicide.

"Masakit po, napakasakit po talaga. Talagang gusto kong mangyari, magkaroon ng hustisya ang anak ko...Nagpiyansa na po, nandiyan palakad-lakad. Ang gusto ko husisya, ang gusto ko murder ang ikaso sa kanya," sabi ng ina ng biktima.

Kinumpirma naman ng City Legal Officer ng Imus City Hall na driver ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi so Canizares at sinabing tinanggal na raw ito sa puwesto habang gumugulong ang imbestigasyon.

Nangako rin sila na mangingibabaw ang hustisya sa krimen.—Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News