Naaresto na ang suspek sa pagpatay sa isang pulis ng Criminal Investigation and Detection Group sa Pasig City.

Kinilala ang suspek na si Julius Panis, kapitbahay at tiyuhin ng biktimang si PO2 Manuel Melendres.

Binaril si Melendres gabi noong November 29 sa harap mismo ng kaniyang bahay.

Bitbit ang isang search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng CIDG National Capital Region nitong Miyerkoles ng umaga ang bahay ni Panis.

Nakuha mula sa kanya ang isang air gun, dalawang kalibre .38 na baril, at isang rifle grenade at mga bala.

Itinanggi ng suspek na kaniya ang mga armas at hindi rin umano siya ang pumatay sa kanyang pamangkin na si PO2 Melendres.

Pero, ayon kay Shirley Melendres, misis ng biktima, nakita niya mismo si Panis na bumaril sa kaniyang mister.

"Si Julius (ang bumaril). Kitang-kita ko. I pretended na hindi (ko nakita) kasi mahaba ang kapit (na baril) niya, maikli lang ang mayroon kami" giit ni Shirley.

May kasama pa umano si Panis na tatlong iba pa.

Agawan sa mana ang nakikita niyang motibo ng krimen.

Inaresto rin ng CIDG-NCR ang anak ni Panis na si Aaron Paul matapos namang mahulihan ng pampasabog sa bahay nito.

Ayon kay chief Inspector Benigno Meneses ng Eastern District Field Unit ng CIDG-NCR,  hindi nila nakita sa loob ng bahay ng suspek ang baril na ginamit ng gunman sa pagpatay kay Melendres.

Tadtad ng CCTV ang compound ng mga Melendres, ngunit, ayon sa kaanak ng suspek na may ari ng mga CCTV, hindi nakunan ang gunman dahil walang hard drive ang kanilang CCTV nang mangyari ang pamamamaril kay Melendres.

Sasampahan ng kasong illegal possession of firearms at explosives ang mag-amang Panis. —LBG, GMA News