Arestado ang isang lalaki matapos niyang tangkaing ibenta sa isang undercover agent ang video ng mga menor de edad na ginagawan niya ng kalaswaan. Ang mga biktima na edad walo at 11, pamangkin mismo ng suspek.



Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing naaresto si alyas "Testor" nang makipagkita sa undercover agent ng National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTD), kasama ang International Justice Mission (IJM), sa isang kainan sa Taguig City.

Batay sa impormasyon mula sa NBI, kinukunan daw ni Testor ng video ang kaniyang mga pamangkin at ipinapagawa ang mga malalaswang porma. Minomolestiya rin umano ng suspek ang mga biktima habang "live" na nanonood ang mga kaniyang parokyano.

Sa ikinasang operasyon, humingi raw ang suspek ng cellphone bilang initial payment bago niya iabot ang mga video sa undercover agent ng NBI.   

Nasagip naman sa hiwalay na operasyon ang dalawang batang biktima.
Kuwento ng magulang ng mga bata, hindi nila alam na matagal na palang nabibiktima ng tiyuhin ang kanilang mga anak. 

Ayon sa hepe ng NBI AHTD, nauuwi sa pagiging biktima ng sexual tourism ang mga bata dahil ibinibigay raw sila sa mga dayuhang customer kapag nagtungo na sa Pilipinas.

Hinihikayat ang publiko na kaagad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang uri ng online sexual exploitation o child trafficking sa kanilang mga lugar.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News