Patay ang dalawa umanong gunrunner matapos mauwi sa habulan at barilan ang buy-bust operation ng mga pulis sa Novaliches, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Ikinasa ang buy-bust operation laban sa dalawang miyembro umano ng gunrunning syndicate sa SB Road, Barangay San Bartolome pasado hatinggabi.

Nakunan sa video ang pagdating ng mga suspek sakay ng motorsiklo habang ang mga operatiba naman ay nakasakay sa SUV.

Bumababa ang angkas na nakilala lang sa alyas na Atan at nakipagtransaksyon sa nagpanggap na buyer kung saan dalawang baril raw ang bibilhin.

Nang makahalata na pulis ang katransaksiyon, nagpaputok raw ang suspek at nagtangkang tumakas. Hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa ma-corner ang mga ito.

Dead on the spot ang dalawa.

 

 

“After maiabot 'yung marked money na P30,000, na-sense nila na pulis 'yung katransaksiyon so binunutan ng baril itong pulis natin at nagkaroon ng running gun battle,” ayon kay Superintendent Rossel Cejas, Novaliches Police Station commander. 

Napag-alamang hindi lang pala gunrunner umano ang dalawa. Ayon sa pulisya "motornapper" din umano sila.

Positibong kinilala ng isang biktima na motorsiklo niya ang gamit ng mga suspek na ninakaw daw sa Barangay Gulod nitong Martes ng gabi.

“Malapit na po ako sa may kanto namin, sabay hinarang po ako niyan ng dalawang 'yan. Sabay sinuntok po ako rito. Tinutukan po ako ng baril. Sabay kinuha po nila 'yung motor ng kuya ko,” kwento ng ninakawan.

Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad kung ang dalawa ay sangkot pa sa ibang krimen. —Joviland Rita/KG, GMA News