Patay ang isang lalaking kolektor matapos siyang barilin nang tatlong beses sa ulo ng hindi pa matukoy na salarin sa Commonwealth Market, Quezon City nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Emilio Llumo, 56-anyos, residente ng Barangay Commonwealth, ayon sa ulat ni Olan Bola sa Super Radyo dzBB.

Naglalakad ang biktima nang lumapit sa kanya ang isang naka-bonnet at pinagbabaril siya sa may bukohan.

Naglakad lamang paalis ang suspek pagkatapos na tila walang nangyari.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya, posibleng .38 kalibreng baril ang ginamit ng suspek.

Kasalukuyang inaalam ang motibo sa pamamaril. —Jamil Santos/KG, GMA News