Kritikal ang isang Grade 6 na estudyante matapos itong muntik nang malunod sa Manila Bay, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kasalukuyang nasa intensive care unit ng Ospital ng Maynila si Rhianne Janiel Soriano kung saan siya dinala matapos siyang masagip.

Ayon sa ina ng 11-taong-gulang na bata, kasama ng kanyang anak ang mga kaibigian nito nang maligo sa Manila Bay sa kabila ng pagbabawal ng otoridad sa sinuman na maligo dito.

Hindi raw alam ni Marivic na maliligo sa Manila Bay ang anak sa Manila Bay.

"Nakita ko yung mga kasama niya. [Sabi ko], naligo kayo doon? [Sabi nila], Opo, kasama po namin sa Baywalk," aniya.

Nagsusuka raw at matigas ang katawan ni Rhianne.

Hiling ni Marivic sa publiko, huwag siyang husgahan dahil hindi naman niya gusto ang nangyari sa anak.

Pabor si Marivic na lagyan ng bakod ang Manila Bay para hindi na ito mapaliguan ng mga bata.

Nananawagan din si Marivic ng pinansiyal na tulong para sa pagpapagamot ng anak.

"Humihingi po sana ako ng tulong sa inyo... para sa mga gastusin ng anak ko kung may papagawa po ang mga doktor," ani Marivic. —KBK, GMA News