Isang lalaking nagpanggap na pari ang inaresto ng mga pulis Maynila nitong Linggo sa gitna ng pista sa Tondo, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Ang lalaki ay nakilalang si Marlon Ponterez na dati nang nakulong at miyembro ng Sputnik Gang.

Inireklamo ng ilang residente si Ponterez matapos niyang manghingi ng pera kapalit ng pagmimisa at pangbabasbas.

"Nagbabasbas siya ng mga bahay at gusto niyang magpamisa roon. Pero ang nakapagtataka ay nanghihingi siya ng pera. At ang isang bahay nga ay pinanhik niya pa at sabi niya, 'Bagong gawa, basbasan ko.' At nanghihingi siya ng isang libong piso," saad ni Police Superintendent Reynaldo Magdaluyo, Manila Police District Station 1 commander.

Nakasutana at abito si Ponterez at may hawak na Bibliya at pekeng holy water habang umiikot sa Tondo.

Ayon kay Magdaluyo, nagtaka ang complainant nang makitang inipit ni Ponterez sa Bibliya ang perang ibinigay sa kanya. Mayroon din siyang mga white envelope na ginagamit pang-solicit ng donasyon.

"Ito ay pamimilit na maglagay ng pera 'yung mga tao," ani Magdaluyo.

Napag-alaman ng mga pulis na kalalaya lamang ni Ponterez noong nakaraang taon dahil sa kasong carnapping.

Mayroon din siyang tattoo sa katawan na nagpapatunay ng miyembro siya ng Sputnik Gang.

Nang tanungin kung pari nga siya, sinabi ni Ponterez na hindi pa siya ordained.

"Nasa missionary pa lang po ako ng bagong congregation na dating Aglipay na apostolic Catholic," saad niya.

Sinabi pa niya na ginagamit niya ang mga nalilikom na pera para sa feeding program at para suportahan ang kanyang limang anak.

"Hindi po ako nangingikil. Meron nga po akong nabe-bless na wala sila talagang pera. Okay lang. Ang mahalaga na-bless ko kayo," sabi ni Ponterez.

Nagbabala naman sa publiko si Magdaluyo na mag-ingat sa mga pekeng pari at ipagbigay-alam sa mga pulis kung may mga mukhang pekeng pari sa kanilang lugar.

"Ang pagkakaalam ko, ang isang tunay na pari o paring Aglipayano ay hindi humihingi ng donasyon sa mga mamamayan... Pagka may mga ganitong mga tao na pupunta sa inyong mga lugar ay kaagad na ipagbigay-alam sa ating kapulisan," saad ni Magdaluyo.

Mahaharap sa mga kasong extortion, estafa, at usurpation of authority si Ponterez. —KG, GMA News