Arestado ang apat na umano'y drug suspects sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City kung saan isinilid pa ng isang suspek ang shabu sa powerbank para itago, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nagsagawa ng buy-bust operasyon ang mga pulis sa Barangay Payatas B laban sa tulak umano ng droga na si JR Abrera at kasabwat na si Albert Aboga na kapwa nangangalakal ng basura.

Nakumpiska sa kanila ang 13 sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P15,000.

Itinago pa raw ni Abrera ang mga shabu sa loob ng powerbank para hindi ito mahalata.

Inamin naman ni Abera ang mga paratang laban sa kanya. Aniya, “Nag-aassemble din po kasi ako ng powerbank kaya naisip ko na dito po siya ilagay.”

Sabi naman ng kanyang kasabwat na si Aboga, umiskor lang daw siya para may panggamit sila ng mga kasamahan niyang pahinante.

“Panggamit lang po, para sa biyahe namin kapag gabi,sa puyat,” sabi ni Abrera.

Ayon sa pulisya, parokyano ng mga suspek ang iba pang pahinante ng truck.

“Yung tulak dito masyadong mailap. Talagang patalon-talon siya ng lugar then magaling siyang magtago ng mga basura niya,” sabi ng Batasan Police Station commander na si Police Lieutenant Colonel Joel Villanueva.

Sa Barangay Bagong Silangan naman, babalik sa kulungan si Ernalyn Jaway matapos maaresto dahil sa pagtutulak umano ng shabu .

Bagong laya lang si Jaway nitong Enero mula sa pagkakakulong dahil din sa droga.

Arestado rin sa operasyon ang kasabwat niyang si Robert Jumaoas.

Nakumpiska sa kanila ang limang sachet ng umano'y shabu.

“Accordingly, ang source ng illegal na droga nito ay nanggagaling sa kung tawagin nila ay si 'kuya.' Pero meron na kaming identity nung suspek, however magta-try kami mag-coordinate sa ibang police unit kasi outside na sa jurisdiction namin,” ani Police Major Sandie Caparroso, hepe ng Batasan Police Deputy Station.

Inamin ng dalawa na gumagamit nga sila ng droga pero itinangging sila ay nagtutulak. —Joviland Rita/KBK, GMA News