Patay sa saksak ang isang pedicab driver sa Navotas City matapos siyang pagtulungan ng mag-amang padyak driver din. Ang ugat daw ng gulo, agawan sa pila.

(BABALA, MASELAN ANG VIDEO)

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Roderick Andres. Pinaghahanap naman ang mag-amang suspek na sina Judy at Reynan Arizala.

Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen noong hapon ng Marso 15 sa Barangay San Jose, Navotas City, kung saan nag-aabangan ng mga pasahero ang biktima at mga salarin.

Nakunan pa ng video ang insidente na unang aakalain na nagsusuntukan lang ang tatlo. Pero ang nakababatang Arizala, sinasaksak na pala ang nakahigang si Andres.

"Actually, ang puno't dulo [ng gulo] ay napakasimple lang eh, 'yung ano lang 'yun, agawan sa pila para sa pasahero," sabi ni Senior Superintendent Rolando Balasabas, hepe ng Navotas police.

Labis naman ang hinanakit ng mga kaanak ng biktima at nanawagan sila sa mag-amang suspek na sumuko na para panagutan ang krimen.

Galit na galit din ang ama ng biktima dahil napatay raw ang kaniyang anak sa hindi patas na labanan dahil pinagtulungan ito ng mag-ama.

Sa follow-up operation ng pulisya, narekober ang balisong sa tinutuluyang kuwarto ng mag-ama na sinasabing ginamit ng mga suspek sa krimen. Gayunman, wala na doon ang mag-ama.

Samantala sa Barangay Sta. Ines sa Manaoag, Pangasinan, nasawi si Juvey Sagario, 55-anyos, matapos umanong pagtulungang bugbugin at saksakin ng nag-aamang dati nang kaalitan ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabi ng pulisya na lumitaw sa imbestigasyon na naglalakad mag-isa ang biktima sa kalsada nang atakihin ng mga salarin.

Nadakip naman ang ama at dalawa niyang anak, na menor de edad ang isa.

Itinanggi nila na sila ang pumatay sa biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News