Patay ang dalawang lalaki na nahuli-cam na nang-agaw ng motorsiklo ng kanilang biktima sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Quezon City noong Huwebes nang manlaban sa mga pulis.

Matapos mag-report ang biktima sa mga awtoridad, naharang ng mga pulis sa isang checkpoint ang mga suspek ngunit umiwas ang mga ito, humarurot at nang ma-corner sa isang eskinita, nakipagbarilan ang mga ito sa mga pulis hanggang sa mapatay ang dalawa.

Sa inisyal na imbestigasyon, hinihintay ang biktima ang kanyang pinsan sa isang gasolinahan sa Barangay Nagkaisang Nayon noong Huwebes nang bigla siyang lapitan at tutukan ng baril ng isa sa dalawang magkaangkas sa motorsiklo.

Wala nang magawa ang biktima kundi ibigay na lamang ang motorsiklo, pati na ang kaniyang cellphone.

Agad na nagsumbong sa Novaliches Police ang biktimang si Ivan Manabat.

Pahayag ni Police Lieutenant Colonel Rossel Cejas, hepe ng Novaliches Police Station, umiwas sa Oplan-Sita ang mga suspek.

"Nang nakita nila na mayroong mga pulis na nagtse-checkpoint dito sa General Luis, umikot itong dalawang suspek. So pinutukan nila yung mga tropa natin hanggang sa mapunta sila sa eskinitang ito nagkaputukan pa rin. Ang ginawa ng ating kapulisan syempre pinagtanggol ang kanilang mga sarili," pahayag ni Cejas.

Wika niya, positibong namukhaan ng biktima ang mga suspek na nangholdap sa kanya.

Maging ang motorsiklo na tinanggalan na ng plaka ng mga suspek ay kinilala niyang sa kanya.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay.

Aalamin din ng pulisya kung may kinabibilangang grupo ang mga suspek. —LBG, GMA News