Naging pahirapan ang pagkuha sa isang pahinante na nasawi matapos maipit sa sinasakyan niyang truck na nahulog sa gilid ng South Luzon Expressway sa bahagi ng Muntinlupa City. Ang driver ng truck na katabi ng pahinante, hinihinalang nakatulog habang nagmamaneho.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing kinailangang gumamit ng mga power tool ang rescue team para makuha ang bangkay ng biktimang si Ermer Tolentino, 21-anyos.

Ayon sa miyembro ng rescue team, nakataas sa dashboard ng truck ang mga paa ni Tolentino nang makuha na indikasyon na posibleng natutulog ang biktima nang mangyari ang insidente.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pinaniniwalaan din na nakatulog ang driver ng truck na si Edcel Adorna.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang truck na bumangga muna sa isang nakaparadang closed van na nakatigil sa shoulder ng SLEX bago sila dumausdos sa gilid ng highway.

Nakaligtas naman ang mga sakay ng van.

Nasa tanggapan na raw ng PNP Highway Patrol Group sa Santa Rosa, Laguna ang mga driver at iba pang sakay ng dalawang sasakyan.-- FRJ, GMA News