Patay ang dalawang drug suspect umano matapos mauwi sa engkuwentro ang magkakasunod na buy-bust operation na isinasagawa sa kanila sa Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, sinabing unang napatay ang sinasabing pusher na si Baltazar Lagunoy nang manlaban sa pulisya sa Barangay San Antonio, San Pedro.

Nasa drug watchlist si Lagunoy, na matagal nang mino-monitor ng San Pedro Police.

Sinabing nagbabagsak ng droga si Lagunoy sa San Pedro gamit ang kaniyang tricycle.

"Malaking kawalan po sa San Antonio ang pagkaka-neutralize kay Bal, wala pong makukunan 'yung ibang dati niyang customer ng ilegal na droga," ayon kay Superintendent Giovani Martinez, hepe ng San Pedro Police.

Napatay din ang isa pang tulak na si Roonie Caagbay sa Calamba.

Hindi na umabot nang buhay si Caagbay nang sinubukang dalhin sa ospital.

"Once ang isang indibidwal po kasi, under influence ng droga, medyo wala sila sa katinuan, wala sa sarili, malakas ang loob at sumasabak sa anumang uri ng krimen," sabi ni Senior Supt. Eleazar Matta, Provincial Director, Laguna PPO.

Kabilang ang mga suspek sa limang napatay, samantalang 89 katao din ang nahuli sa pagsasagawa ng mga awtoridad ng dalawang araw na simultaneous anti-criminality and law enforcement operations sa Laguna. — Jamil Santos/MDM, GMA News