Patay na nang matagpuan sa talahiban noong Biyernes ng umaga ang nawawalang 16-anyos na dalagita sa Antipolo City.

Sa ulat ng "24-Oras" nitong Sabado ng gabi, sinabi ng chairman ng Barangay Calawis na isang magsasakang nangunguha ng talahib ang nakakita sa bangkay.

Una raw na nakita ang bag ng biktima at nang lumakad pa pababa ang magsasaka, nakita ang paa nito.

Agad namang nag-report sa mga awtoridad ang magsasaka.

Sa inisyal na imbestigasyon, wala nang underwear ang biktima. Nakataas ang palda at blouse nito. Lamog ang mukha na parang pinukpok o kinain ng hayop ang itsura.

Kinilala ang biktima na si Ronna May Castillo, isang Grade 10 student.

Hindi pa malinaw ang cause of death, pero posibleng sinakal daw gamit ang school ID lace niya.

Itinuturing na prime suspect ang tiyuhin ng biktimang si Jimmy Castillo dahil Siya raw ang huling nakitang kasama noong buhay pa ang biktima at hindi nagtutugma ang kanyang alibi.

Depensa ng suspek, kasama niya ang isang guro nang huling makita si Ronna May na naglalakad mula sa paaralan. Marami raw siyang errands na ginawa at 'di na niya nakita ulit ang biktima.

Patuloy pa imbestigasyon sa insidente. —LBG, GMA News