Patay ang isang basurero noong Linggo nang maipit sa bumagsak na tailgate ng dump truck matapos masagi ng isang elf truck na ginagamit sa pangangampanya ng isang kandidato.

Sa inisyal na ulat ng mga opisyal Barangay nangyari ang insidente sa H. Santos St. sa Barangay Tejeros sa Makati, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Dumaan sa H. Santos ang motorcade ni Kid Peña na tumatakbo pagkamambabatas sa Mababang Kapulungan.

Nasagi ng elf ang tukod sa tailgate ng dump truck dahilan upang bumagsak ito at naipit ang ulo ng basurero na nangungulekta ng basura sa kahabaan ng H. Santos St.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Arcilla.

Agad namang rumesponde ang barangay rescue officers pero hindi na umabot na buhay ang biktima sa ospital.

Sumuko din kalaunan sa mga  pulis-Makati ang driver ng elf truck na si Anthony Rebano, na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Iniimbestighan na ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA news