Arestado ang isang criminology student sa Guiguinto, Bulacan matapos umanong magpanggap na tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) para makapangikil.

Ayon sa ulat ni Lei Alviz sa GMA "24 Oras" nitong Martes, modus ng suspek na si Cherry Grace De Leon ang magpanggap na fire officer at mag-inspeksyon sa ilang establisyimento para makapangikil ng pera.

Kabilang sa mga nabiktima ni De Leon ang may-ari ng isang gasolinahan. Naningil daw ng P13,000 ang suspek para ma-refill ang kaniyang fire extinguisher.

"'Pag nakuha niya 'yung fire extinguisher at 'yung kabuuang bayad dun sa fire extinguisher na pagre-refill umano ay 'di na ito sumisipot," ayon kay Police Corporal Jayson Quidasol ng Guiguinto Police Station.

Dagdag pa ng pulisya, madalas nambibiktima si De Leon sa Central Luzon, National Capital Region, at Calabarzon.

Sa ikinasang entrapment operation, walang naipakitang dokumento o ID ang suspek na makapagpapatunay na miyembro nga siya ng BFP.

Arestado rin ang inarkila niyang driver na si Edrian Pacheco. Nakuha sa sasakyan ang mga fire extinguisher na ninakaw umano ni De Leon.

Mahaharap sa mga kasong usurpation of authority at estafa ang suspek at kakasuhan naman bilang accessory to the crime ang driver.

Tumangging magbigay ng pahayag si De Leon samantalang itinanggi ni Pacheco na may kinalaman siya sa pangingikil. —Dona Magsino/LDF, GMA News