Bugbog ang inabot ng isang lalaki matapos umano siyang mapagkamalang holdaper na dalawang lalaking lasing na nakasabay niya sa kalsada sa Caloocan City. Ang biktima, nakatikim pa ng upak sa nakiusyoso.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Rafael Raz. Naaresto naman ang dalawang gumulpi sa kaniya na sina Rosander Orta at Ervin Lance Bernales.

Sa kuha ng CCTV sa kanto ng 8th Avenue at Rizal Avenue sa Caloocan City maghahating gabi nitong Martes, makikita si Orta na nakasandal sa poste at may kausap sa cellphone nang magkatagpo sila ni Raz, na aminadong nakainom din.

Ayon kay Orta, tumingin sa kaniya si Raz at kinutuban siya na hoholdapin kaya sinabihan umano niya si Bernales na kausap niya sa cellphone na tumawid na dahil sa takot niya sa biktima.

Nang dumating si Bernales, doon na nila pinagtalungan ni Orta na gulpihin si Raz. May napadaang pang nakamotorsiklo ang bumaba at nakigulpi rin.

Makaraang ang ilang minutong pagbugbog sa biktima, papaalis na sana ang dalawa nang dumating ang mga tanod at dinakip sila.

Ayon sa tanod na si Marcelino Mendoza, nagmamataas pa umano ang dalawa nang hulihin dahil nakainom.

Aminado naman ang dalawa na nagkamali sila ng akala sa biktima at humingi sila ng paumanhin.

Desidido naman si Raz na namamaga pa ang mukha dahil sa tinamong gulpi na ituloy ang kaso laban sa dalawa, na nahaharap sa reklamong slight physical injury.

"Hindi naman po ako basta-basta maaareglo. Para po magtanda kahit paano. Puwede po ipasok na lang sa loob, tuluyan na lang," sabi niya.-- FRJ, GMA News