Dalawang puganteng Amerikano ang nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa Pampanga. Ang isa sa kanila, itinuturing mapanganib dahil bihasa umano sa armas.


Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita na agad na dinamba at pinosasan ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration ang pakay ng operasyon na si Antonio Marsonel Wilson nang lumabas ito sa kaniyang bahay sa Angeles, Pampanga,

Dobleng ingat umano ang ginawang paghahanda ng mga ahente ng BI at kasama ang US Marshalls dahil bihasa umano si Wilson sa armas.

Wanted si Wilson sa US dahil sa kasong murder, direct assault, illegal possession of firearms at pagbebenta ng marijuana at crack cocaine.

"Our counterparts from the US Embassy in Manila and from US Secret Marshalls Service consider Mr. Wilson as one of the most wanted fugitive in the US," sabi ni Bob Raquepo, chief, BI-Fugitive Search Unit.

"Mr. Wilson is a hardened and incorrigible criminal considering the number of cases he has committed in the US," dagdag niya.

Sinubukan ng GMA News na makuha ang pahayag ng dayuhan pero tumanggi siyang magsalita.

Sa hiwalay na operasyon sa Subic, naaresto naman ang Amerikanong si Carmen Daniel Persecjhino, na wanted sa Alaska, USA  dahil sa mga kasong kidnapping at panggagahasa sa kaniyang mga dinukot na kabataan.

Ipapa-deport ang dalawang pugante at ilalagay sa "blacklist" ng Bureau of Immigration bilang mga undesirable alien.-- FRJ, GMA News