Isang babaeng pasahero ang buong tapang na tumalon mula sa bintana ng sinasakyan niyang taxi matapos umano siyang holdapin ng driver nito, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Masuwerteng galos lang sa braso ang tinamo ng biktima na agad namang tinulungan ng mga taong nakakita sa pangyayari at nakapagsumbong sa pulis.

Arestado naman ang suspek na kinilalang si Jake Destacamento, na umamin si krimen at sinisi ito sa kanyang bisyong sugal at paggamit ng iligal na droga.

"Paulit-ulit lang po nangyayari sa akin kapag bumibiyahe po ako ng taxi, pagdating ko po diyan sa Manila napapasugal po ako tapos hindi ko rin po maiwasan para sa mga gabi siyempre nagti-take din po ako ng drugs kaya nagawa ko po yung ganun," aniya.

Ayon sa imbestigasyon, hiniram ng suspek ang cellphone ng biktima na sumakay sa Cubao para daw makigamit ng Waze.

Napansin daw ng biktima na tatlong beses na silang dumaan sa Balte Drive kaya kinuha niya ang cellphone niya at nagpababa na lang. Dito na umano siya hinoldap ni Destacamento.

Naaresto si Destacamento matapos ituro ng taxi operator at dispatcher sa mga pulis ang kanyang bahay. —KBK, GMA News