Patay ang isang abogado matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo malapit sa kaniyang bahay sa Rodriguez, Rizal nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Atty. Edilberto Golla Jr., na kaagad nasawi.

Nangyari ang insidente bandang 9 a.m. sa Eastwood Greenview Subdivision Phase 2, ng Barangay San Isidro, kung saan sakay si Golla ng kaniyang pick-up at paalis na para sa isang meeting.

Hindi pa man nakalalayo sa kaniyang bahay, pinagbabaril ang abogado ng mga salarin, ayon sa salaysay ng kaniyang asawa sa Rodriguez Police.

Napaatras at bumangga ang kaniyang pick-up sa bahay ng kapitbahay, saka muling pinuruhan si Golla, ayon pa sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).

Palaisipan pa kung sino ang mga nasa likod ng pagpaslang kay Golla, at patuloy na tinutugis ang mga bumaril sa kaniya.

Nahihirapan umanong matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin dahil walang CCTV sa lugar kung saan nangyari ang pananambang.

Inihayag ng mga katrabaho ni Golla na nakatanggap ng death threats ang abogado, ayon kay Police Colonel Lou Frias Evangelista, Provincial Director ng Rizal PNP.

Napag-alaman na taga-Sultan Kudarat at isa ring engineer si Golla na mayroong construction at law firm.

Walang raw nabanggit sa asawa si Golla tungkol sa mga natatanggap na banta sa buhay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News