Arestado ang isang senior citizen at isang kasamahan niya nang lusubin ng ng CIDG-Bulacan at Animal Kingdom Foundation ang isang bentahan at katayan ng aso sa Barangay Manatal, Pandi, Bulacan.

Ayon sa ulat ni Saleema Refran sa 24 Oras nitong Biyernes, "Boy Pukpok" ang alyas ng target na si Danny Cruz, 72.

"Pinupukpok niya 'yung aso sa ulo, i-travel nila para hindi gagalaw, para hindi mahulog sa tricycle," sabi ni Police Staff Sergeant Dexter Pagales.

Pero dahil na-stroke na siya, nilulunod nalang niya umano ang mga aso.

Nang tanungin ang matanda kung alam niyang bawal ang ginagawa niyang pagkatay at pagbenta ng aso, ang sabi ni Cruz, "Alam ko. Wala na akong... hanapbuhay. Pati malapit na ang buhay ko."

Nahuli rin ang isang kasama ni Cruz, habang nakatakas ang isa pa.

Apat na patay na asong nakasako ang na-recover ng mga awtoridad sa raid.

Dalawa naman ang masuwerteng nakaligtas. Ang isa, buntis pa.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act.

Naktakda namang isailalim sa rehabilitasyon at pangangalaga ang mga na-rescue na aso.

Paalala ni Allan Pekitpekit ng Animal Kingdom Foundation, "Yung aso kasi, hindi naman siya for human consumption at hindi siya healthy ipapakain sa tao. Ang aso po ay man's best friend.'" —Margaret Claire Layug/NB, GMA News