Isang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad matapos nito umanong subukang suhulan ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong Lunes ng madaling araw.

Inaresto ang suspek na si Eduardo Seña sa isang entrapment operation sa mismong PDEA headquarters, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News.

Bago ang pag-aresto, kinontak ng suspek ang PDEA at nag-alok umano ng pera kapalit ng kalayaan ng kanyang nililigawan na si Lina Ahmad Grande.

Isa si Grande sa tatlong babaeng inaresto ng PDEA sa buy-bust operation sa Taguig City nitong Linggo. Mahigit P4 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa operasyon.

Sa PDEA headquarters, nakipagtransaksiyon si Seña sa operatiba ng PDEA-Special Enforcement Service. 

Inilabas niya ang isang plastic na bag na nakalagay sa paper bag. Nang buksan ito, tumambad ang bundle ng pera.

Nakuha mula kay Seña ang perang nagkakahalagang P399,000.

 

 

Ayon kay Levi Ortiz, Director 3 ng PDEA-Special Enforcement Service, nag-alok ang suspek ng P500,000 kapalit ng paglaya ni Grande.

Depensa ng suspek, pumayag lang siyang iabot ang pera dahil sa sobrang pagmamahal kay Grande na mahigit isang taon na niyang nililigawan.

Mahaharap si Seña sa reklamong paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code o corruption of public officials.

Ito raw ay magsisilbing aral sa publiko na hindi lahat ng law enforcers ay nababayaran, ani Ortiz.

Iimbestigahan din ang 11 na kaanak ni Grande na sumama kay Seña pagpunta sa PDEA headquarters. —KG, GMA News