Hindi pa man natatapos ang problema tungkol sa mga basura na galing sa Canada, may panibagong basura na naman ang nakarating sa Pilipinas na nagmula sa Australia. Pero paliwanag ng kompanyang umangkat nito, hindi ito ordinaryong basura.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naka-hold ngayon sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental ang pitong container na naglalaman ng mga basura na galing Australia.

"Ito ang nakapasok sa ating basura galing Australia. Kayo ang humusga kung ito ba ay makabubuti o hindi sa ating bayan, straight from Australia," ayon kay John Simon, collector, Port of Tagoloan, Bureau of Customs.

Napag-alaman na ang broker ng naturang shipment ay siya ring broker ng mahigit 1,000 toneladang basura mula naman sa South Korea na dumating din sa Tagoloan, Misamis Oriental noong July at October 2018.

"The broker has to answer a lot kasi ang daming niyang pagkakamali sa kaniyang pagdeklara," ayon kay Simon.

Sa paunang ulat ng mga taga-Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, isinalarawan nila ang mga basura na "shredded municipal waste" o pinagpira-pirasong basura. 

Sinabing idineklara ang mga kargamento sa Customs bilang "processed engineered fuel" o pef, at municipal waste na ipinasok ng cement company na Holcim Philippines Incorporated.

Ang PEF ay alternative fuel sa paggawa ng semento na mula sa pinrosesong basura. Matagal na raw gumagamit ng PEF ang Holcim kapalit ng coal fuel.

Sa ibang bansa pa raw kumukuha ng PEF ang dahil wala raw may pasilidad nito sa Pilipinas.

Kasama kanina ang mga kinatawan ng Holcim Philippines sa pag-inspeksyon sa kanilang kinukuwestiyong kargamento.

"For us, this is really not garbage. This is low-grade fuel, this is processed engineered fuel," ayon kay Alan Cuyno, technical manager, Holcim Philippines.

Pero sabi ni Joel Pinawin, supervisor, CIIS-CDO, "Kahit anong gawin rason diyan, na sasabihing panggatong 'yan, the fact na basura 'yan, banned item 'yan."

Iginiit naman ni Cuyno, na piling-pili ang mga dinurog na basura at hindi mga hazardous waste.

Ayon sa ulat, isasailalim sa scientific test ang naka-hold na shipment para malaman kung ito ba ay PEF o ordinaryong municipal waste lamang.

Ang magiging resulta umano ng pagsusuri ang magiging basehan ng Bureau of Customs para matukoy kung merong bang dapat managot sa batas.

Ngunit para Eco Waste Coalition, malinaw na basura ng mga banyaga ang nakapasok na naman sa Pilipinas at makabubuting ibalik sa Australia. --FRJ, GMA News