Isang lalaking rape suspect ang nagtamo ng mga sugat matapos subukang tumakas dahil sa kahihiyan at takot, ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Mag-iisang linggo nang iniinda ng suspek na apatnapu't siyam na taong gulang ang malalalim na sugat sa kanyang ulo, mukha at balikat nang makausap ng GMA News nitong Martes.

Tumalon ang suspek sa umaandar na mobile ng barangay noong nakaraang Miyerkoles matapos ma-inquest sa kasong rape na kinakaharap niya.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joel Villanueva, Batasan Police Station commander, nakaposas pa noon ang suspek nang tumalon mula sa mobile.

Agad nilapatan ng lunas ang suspek at idinala sa ospital para ma-checkup.

Inamin ng suspek na gusto niyang tumakas dahil na rin sa kahihiyan at sa takot na baka may mangyari sa kanya.

Nahaharap sa kasong rape in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse and Exploitation ang suspek base sa reklamo ng labing-isang taong gulang na batang babae na nag-akusa sa kanya.

Ikinuwento ng bata ang umano'y panggagahasa sa kanya ng itinuturing niyang ama.

Lumabas din sa medico-legal test na nagahasa ang bata.

"Natatakot daw siya eh na baka may mangyaring 'di maganda siya, pero siyempre nasa hawak naman siya ng mga arresting officer niya," ani Police Major Sandie Caparroso, spokesman ng Batasan Police Station.

Patuloy na minomonitor ang kalagayan ng suspek na ngayon ay maayos na. —KG, GMA News