Pitong drug suspek ang arestado habang isang menor de edad ang na-rescue sa ikinasang buy-bust operation ng Manila Police District Station 7 sa Hermosa, Tondo, Manila, nitong Martes ng madaling araw.

Kabilang sa naaresto ang target ng operasyon na si Angelita Cuevas alias Madam, 24, nasa drug watch list at isa umanong tulak.

Kalaboso rin ang kanyang kinakasamang si Arnold Martinez, 29, na kasabwat umano ni Cuevas sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Kinilala ang iba pang mga naaresto na sina Erizalde Mirano, 51, isa umanong tulak, at apat na umano'y parokyano ng droga na sina Ramil Rosal, 54; Ramon del Rosario, 62; Rowell Alcantara, 25; at Arnold Merano, 40.

 

 

Na-rescue naman ang isang 15-anyos na binatilyo na nagsisilbi umanong runner ng ilegal na droga.

Ayon kay Police Captain Val Valencia, hepe ng MPD Station 7 Drug Enforcement Team, dalawa hanggang tatlong linggo na nilang minamanmanan si Cuevas.

Nakuha sa mga suspek ang P500 na buy-bust money at 20 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalagang P42,000. —KG, GMA News