Natapos na ang paghihintay sa kung sino magiging pinuno ng Kamara de Representantes matapos na ihalal ng mga kongresista nitong Lunes ng umaga si Taguig City Representative Alan Peter Cayetano bilang Speaker ng kapulungan.

Ibinoto ng 266 na kongresista si Cayetano, kontra sa nakalaban niyang nominado sa posisyon na si Manila 6th District Representative Benny Abante Jr., na nakakuha ng 28 boto.

Sa Senado, muling uupong Senate President si Vicente "Tito" Sotto III, matapos siyang ihalal ng kaniyang mga kapwa senador.

Hindi tulad sa Kamara, mas naging madali para kay Sotto na muling makuha ang suporta ng kaniyang mga kapwa senador upang maging pangulo muli ng Senado.

Dumalo sa sesyon nitong Lunes ng umaga ang 22 senador, maliban kina Sens. Leila de Lima, na nakadetine sa Philippine National Police Custodial Center, at Manny Pacquiao, na nasa Las Vegas pa matapos ang laban kay Keith Thurman nitong Linggo.

Hindi naman sumali sa botohan ng lider ng Senado sina Minority Leader Franklin Drilon, at sina Sens. Risa Hontiveros at Francis Pangilinan.

Sa Kamara, si Cayetano ang unang uupong Speaker sa loob ng unang 15 buwan, bago niya ipapasa ang liderato kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsulong na maghati na lang sa liderato ng Kamara sina Cayetano at Velasco, habang isa pang aspirante sa pagka-speaker na si Leyte Representative Martin Romualdez, ang hinirang na majority leader.

Sa sesyon kaninang umaga, si Romualdez ang nagrekomenda sa pangalan ni Cayetano na maging lider ng Kamara.

Samantalang sina Iloilo Representative Janet Garin at AKO BICOL party-list Representative Alfredo Garbin, naman ang nagrekomenda sa pangalan ni Abante.

Sa kaniyang talumpati matapos manalo, hinikayat ni Cayetano ang kaniyang mga kapwa mambabatas na “do what is right” para maging “relevant, responsive and reliable” ang Kamara.

“We should respect and love our congressmen but we should also feel that the House of Representatives is the House of the People. Tayo ang takbuhan ng sambayanan,” dagdag niya.

Sa panayam ng mga mamamahayag, inamin ni Cayetano na "roller coaster" ride ang naranasan niya nitong nakalipas na mga buwan kaugnay sa pag-asam niya na maging lider ng Kamara.--FRJ, GMA News