Isang bakla na inaresto sa Iloilo City dahil sa kaso kaugnay ang ilegal na droga ang umapela na huwag siyang ikulong kasama ng mga lalaki sa male detention cell.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "24 Oras", takot daw ang suspect na si Mark Joseph Parreño na maabuso sa kulungan ng ibang mga nakakulong.

Sabi ng mga otoridad, maari naman daw mamalagi ang suspect sa bakanteng female detention cell kung may isyu sa kanyang seguridad.

Matapos daw ang assessment ng sitwasyon, napagdesisyunan ng mga pulis na wala namang imminent threat sa bujay ni Parreño.

Sa huli, hindi na rin nagpumilit ang suspect na maihiwalay sa mga lalaking suspect.

"Hindi na niya pinursue yung request niya dahil according to him, okay na siya dun sa mga kasama niya," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jonathan Pablito.

"Napanatag na rin ang loob niya," dagdag pa niya. —Llanesca Panti/NB, GMA News